Umabot na sa mahigit 10,000 ang mga insidente ng murder at homicide sa bansa simula Enero hanggang Hulyo ngayong 2014, ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP).

Sa kabuuang bilang, umabot sa 5,697 ang ikinonsiderang murder case habang ang natitirang 4,582 ay klasipikado bilang homicide.

Kinokonsidera ng pulisya ang murder kung ang pagpatay ay plinano at may anggulong pagtatraydor. Ang suspek sa murder ay hindi pinapayagang magpiyansa at may mas mabigat na parusa kumpara sa homicide.

Noong 2013, umabot sa 16,160 ang biktima ng murder at homicide.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakasaad sa datos ng PNP na umabot sa 9,153 ang kaso ng murder habang ang natitirang 7,007 ay homicide.

Nang hingan ng komento, sinabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, tagapagsalita ng PNP, na ang pagdami ng murder at homicide cases ay hindi maaaring ikonsidera na pagtaas ng “killing frenzy” kumpara noong 2013.

Aniya, naituwid lang ng PNP ang proseso ng crime-reporting kaya mas komprehensibo na ang datos ng pulisya sa kasalukuyan.

Noong mga nakaraang taon, sinabi ni Sindac na idinedeklara lang ng mga police commander ang mga kaso ng murder at homicide kung ito ay naresolba na o nireresolba pa.

Subalit ngayon, obligado ang mga opisyal ng pulisya na gumawa ng blotter at incident reports ng krimen mula sa ibang ahensiya, tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI). (Aaron Recuenco)