Sisimulan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang Survey on Overseas Filipino (SOF) sa Oktubre kasabay ng panawagan sa publiko na suportahan ito.

Pakay ng PSA na matukoy ang bilang ng mga Pinoy na lumalabas ng bansa upang magtrabaho.

Nais din ng survey na makakalap ng impormasyon sa socio-economic characteristics ng mga overseas Filipino worker (OFW), halaga ng suweldo na iniuuwi ng mga ito sa kanilang pamilya sa Pilipinas, at ginagamit ng mga itong mode of remittance.

Lumitaw sa resulta ng 2013 SOF na sa 17 administrative region sa Pilipinas, 18.4 na porsiyento ng mga OFW ay mula sa Calabarzon, 13.9 na porsiyento mula sa Central Luzon, at 12.8 porsiyento ay mula sa National Capital Region (NCR).

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ang Saudi Arabia ang may pinakamaraming OFW na umabot sa 22.1 porsiyento, United Arab Emirates (UAE) na may 15.4 na porsiyento at Singapore na may 7.3 porsiyento.

Ganito rin ang pattern na lumabas sa larangan ng cash remittance na natanggap ng pamilya ng mga OFW sa Pilipinas.

Noong Abril hanggang Setyembre 2013, nagpadala ang mga OFW mula sa Saudi Arabia ng remittance na umabot sa P25.2 milyon, na sinundan ng mga nasa UAE na may P16 milyon, at Singapore na umabot sa P7.7 milyon.

Mahigit sa 5,000 indibidwal, na may pamilya o sila mismo ay nakabiyahe na sa ibang bansa sa nakalipas na limang taon, ang target ng 2014 SOF survey.

Inaasahang isasapubliko ang resulta ng survey sa Hunyo 2015. - Czarina Nicole Ong