Mga Kapanalig, marami ngayong panawagan para sa pagbibitiw sa puwesto ng ilang matataas na opisyal ng ating pamahalaan. Ngunit ayon naman sa Pangulo, walang kailangang bumaba sa puwesto dahil ginagampanan naman daw ng bawat miyembro ng kanyang gabinete ang kanilang mga tungkulin. Ngunit naniniwala ba tayo mga Kapanalig na walang dapat managot at bumaba sa puwesto matapos ang ilang mga aberya at anomalya na kinasasangkutan ang ilang mga matataas na opisyal ng ating bayan? Siguro nga ay nasa Pangulo na ang desisyon.

Ngunit nais nating ipaalala sa ating mga namamahala sa pamahalaan kung ano ang tunay na diwa ng isang lingkod-bayan. Ayon kay San Pablo, “hinubad niya ang kanyang pagka-Diyos upang maging alipin. Hindi ako naparito para paglingkuran, ani Hesus, subalit upang maglingkod.” Gayun din ang utos niya sa kanyang mga alagad. “Ang sino mang nais mauna, dapat magpahuli, at maglingkod sa lahat, lalo na sa maliit.” Samakatuwid, ito ang layunin ng kapangyarihan sa lipunan, ayon sa mga salita ng Diyos, ang manilbihan lalo na sa nakararami at lalo na sa mga walang kapangyarihan. Marami nga sa mga lider ng bansa ngayon ang baluktot ang konsepto ng pagiging isang lider. Marami din sa kanila ang baluktot ang konsepto sa posisyon at kapangyarihan. Tungkulin dapat ng lahat ng lider sa pamahalaan na maging tagapamagitan para sa pangangailangan ng karamihan. Ang kapangyarihan ay dapat ginagamit para isulong ang kapakanan ng marami kaysa ng kakaunti.

Sa Ebanghelyo nga, ang anak ng Diyos ay naging maralita, namuhay sa mga maralita, at nangaral ng pag-asa para sa maralita. Aniya, ang Espiritu ng Diyos ay napasakanya, upang bigyan ng ginhawa ang mga mahihirap, palayain ang mga bihag. Ang pagmamahal din sa mga mahihirap at maliliit ang ginawa niyang batayan sa ating kaligtasan. Aniya, “ano man ang gawin ninyo sa maliliit, yan ay ginagawa ninyo rin sa akin.”

Ang mga maliliit at mahihirap samakatuwid ay bukod tangi sa Diyos. Bukod tangi din sana ang pagmahahal ng ating mga lider sa pamahalaan sa mga mahihirap at naaapi. Silang mga mamamayang nagluklok sa kanila sa posisyon. Silang mga mamamayang matagal na ding nagtitiis dahil sa kahirapang hindi pa rin mabigyang-bigyang solusyon dito sa ating bayan.
National

VP Sara, nahainan na ng subpoena ng NBI