Arestado ang 41 anyos na empleyado ng Tacloban City na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa siyudad kamakalawa.
Sa report kay PDEA Director General Arturo G. Cacdac, Jr., kinilala ang suspek na si Rodolfo Saldaña Jr., department collector ng Tacloban City Treasurer’s Office at residente ng BLISS Nula-Tula, Tacloban City. Saldaña. Si Saldana ay regular na empleyado ng city hall nitong nakaraang 26 taon.
Lumitaw sa imbestigasyon, ilang kabarangay ni Saldana ay nagreklamo hinggil sa pagtutulak nito ng shabu sa kanilang lugar.
Dakong 7:00 kamakalawa ng gabi nang isinagawa ang buy–bust operation ng mga tauhan ng PDEA Regional Office 8 sa pamumuno ni Director Laurefel Gabales at nasukol si Saldana sa Old Road, Sagkahan District, Tacloban City.
Nakuha ng mga awtoridad sa suspek ang mga shabu plastic sachet, drug paraphernalia at P500 marked money na ginamit ng PDEA agent. - Jun Fabon