BAGUIO CITY – Isang katao ang namatay sa Abra at may 119 na pamilya o 453 katao ang puwersahang inilikas mula sa siyam na evacuation center sa Apayao, Benguet, Mountain Province at Baguio City, dahil sa malakas na ulan at hangin na dulot ng bagyong ‘Mario’.

Bagamat hindi kasali ang Baguio City at Benguet sa public storm signal ng Mario, mistula namang pang-Signal No. 2 ang lakas ng ulan at hangin sa nabanggit na mga lugar na nagsimula bandang 5:00 ng hapon noong Setyembre 19.

Sa ulat ng Office of the Civil Defense (OCD)-Cordillera, nasa 108 katao ang inilikas ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa bayan ng Sta. Marcela sa Apayao, dahil nasa peligro ang kabahayan ng mga ito sa pananalasa ng bagyo.

Samantala, may 180 katao na naninirahan sa City Camp Lagoon sa Baguio City ang inilikas dahil sa pag-apaw ng tubig noong Biyernes ng hapon.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

May 54 na pamilya naman ang pinalikas ni Benguet Gov. Nestor Fongwan mula sa mga bayan ng Tublay, Tuba at La Trinidad na pawang landslide-prone.

Dalawang pamilya naman sa Tadian, Mountain Province ang dinala rin sa evacuation center dahil sa banta ng pagguho ng lupa.

Nakasara naman ngayon ang Kennon Road dahil sa pagguho ng mga lupa at bato sa ilang bahagi ng Halsema Highway.

Sa Abra, iniulat ni Gov. Eustaquio Bersamin na tinataya pa ang aktuwal na halaga ng malaking pinsala sa agrikultura at ari-arian na idinulot ng bagyong Mario.

Iniulat din ng Abra Police Provincial Office na isang Perez Bugayao, 39, ang namatay sa pagkalunod dahil sa malakas na agos ng ilog sa bayan ng Tubo. - Rizaldy Comanda