Bunga ng walang katiyakang lagay ng panahon matapos ang naganap na malawakang pagbaha sa maraming bahagi ng Metro Manila na dulot ng bagyong ‘Mario’, kinansela na rin ng NCAA ang mga larong nakatakda sa basketball at chess kahapon.

“The NCAA Management Committee has decided to cancel all it’s games yesterday due to cancellation of classes in almost all levels in Metro Manila because of typhoon ‘Mario’ and it’s aftermath,” pahayag ng liga sa statement na kanilang ipinadala noong Biyernes ng gabi sa pamamagitan ng SMS.

Ang mga nakanselang laro sa basketball na nakatakda sanang laruin sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City ay ang juniors at seniors matches ng Arellano University (AU) at Lyceum of the Philippines University (LPU).

Target sana ng Chiefs ang ikalawang Final Four berth sa kanilang pagsabak sa napatalsik na Pirates.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Nakansela naman ang pinakahuling laban sa ikalawang round ng NCAA chess tournament na idinaraos sa Athletes Dining Hall sa Rizal Memorial Sports Complex.

Ayon kay ManCom chief Paul Supan ng host Jose Rizal University (JRU), tiyak na magkakaroon ng adjustment sa naunang inilabas na schedule sa second round ng basketball tournament dahil sa tatlong playing days nila itong kinansela.

Nakatakda nilang ihayag ang mga pagbabago sa susunod na linggo matapos ang kanilang weekly ManCom meeting.