“Bigyan muna natin siya ng pagkakataon.”
Ito ang pahayag ng tagapagsalita ng Department of Transportation and Communication (DoTC) na si Atty. Michael Sagcal hinggil sa mga kumukuwestiyon sa legalidad ng pagkakatalaga ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa kanyang tiyuhin na si Egmidio Tanjuatco Jr. bilang board member ng Clark International Airport Corp. (CIAC) sa kabila ng kakulangan nito sa karanasan sa aviation sector.
Kinumpirma ni Sagcal na namumpa sa tungkulin si Tanjuatco, na ang ama ay si Egmidiio Sumulong Tanjuatco na first cousin ng yumaong Pangulong Corazon Aquino, kay DoTC Secretary Joseph Emilio Abaya halos dalawang linggo na ang nakalilipas.
Sa kabila ng mga kumukuwestiyon sa kuwalipikasyon ni Tanjuatco upang hawakan ang aviation post na nangangasiwa sa Clark International Airport, iginiit ni Sagcal na legal ang pagkakatalaga rito.
“The appointment wouldn’t be made if there are legal issues,” ayon kay Sagcal. “The question should be is how capable he is or what his plans are. Let’s give him a chance to explain what his intentions are.”
Kinumpirma rin ni Sagcal na susunod na ihahalal ng CIAC board ang bagong pangulo at chief executive officer ng ahensiya matapos italaga ang kasalukuyang pinuno nito na si Jose Victor Luciano bilang bagong miyembro ng Civil Aeronautics Board (CAB).
Ayon sa mga source, inihahanda na rin si Tanjuatco bilang kapalit ni Luciano sa top CIAC post.
“This appointment is based on trust and confidence of the President so if the President appointed him, we can be assured that the President believes in the capabilities of Mr. Tanjuatco to act as CIAC president,” paliwanag ni Sagcal. - Kris Bayos