LONDON (Thomson Reuters Foundation) – Dahil sa desisyon ni Angelina Jolie na isapubliko ang pagsailalim niya sa double mastectomy o pagpapatanggal ng magkabilang dibdib, mahigit sa doble ng kababaihan sa Britain ang kusang sumasailalim sa genetic breast cancer test, ayon sa pag-aaral.
Mayo noong nakaraang taon nang ihayag ni Angelina, 39, na isang high-profile human rights campaigner, ang pagpapatanggal niya ng magkabilang dibdib makaraang magpositibo siya sa mutation ng BRCA1 gene na nagtataas ng panganib sa breast cancer.
Sinabi ni Angelina noon na isinapubliko niya ang dinaanang operasyon dahil umaasa siyang magsisilbi siyang inspirasyon ng ibang babae sa pakikipaglaban kontra sa nakamamatay na sakit.
Para kay Angelina, ginawa niya ang nasabing hakbang upang matiyak na matagal pa niyang makakapiling at maaalagaan nang maayos ang kanyang anim na anak.
Sinuri ng mga researcher ang 21 klinika at regional genetic center at natuklasang may 4,847 referral para sa pagpapasuri noong Hunyo at Hulyo ng nakaraang taon kumpara sa 1,981 sa kaparehong panahon noong 2012.
Binigyang-bigat ng pag-aaral sa tinatawag na “Angelina effect”, na inilathala sa journal na Breast Cancer Research, ang glamorosong hitsura at estado ni Angelina at ang relasyon nito sa asawa na ngayon at kapwa Hollywood A-lister na si Brad Pitt upang mabawasan ang takot ng kababaihan sa double mastectomy.
“Angelina Jolie ... is likely to have had a bigger impact than other celebrity announcements, possibly due to her image as glamorous and strong woman,” sabi ng researcher na si Gareth Evans, ng Genesis Breast Cancer Prevention.
“This may have lessened patients’ fears about a loss of sexual identity post-preventative surgery and encouraged those who had not previously engaged with health services to consider genetic testing.”
Sa nakalipas na mga taon, higit na nakilala ang Oscar-winning actress sa kanyang pagkakawanggawa at mga adbokasiya kaysa kanyang pag-arte.
Breast cancer ang pinakakaraniwang cancer ng kababaihan sa mundo. Tinaya ng World Health Organization (WHO) sa mahigit 521,000 babae ang namatay sa breast cancer noong 2012.