Sinuportahan ni Senador Koko Pimentel ang panukala ni Japan International Cooperation Agency (JICA) project manager Shuzuo Iwata na magtatag ng $700-million subway system sa EDSA upang malutas ang lumalalang problema sa transportasyon sa Metro Manila.
Ayon kay Pimentel, praktikal ang panukala ni Iwata na magkaroon ng subway rail line sa EDSA dahil hindi na kakayanin ng MRT 3 ang lumalaking pangangailangan sa transportasyon sa buong Metro Manila.
Ipinanukala ni Iwata, chairman din ng Almec Corporation sa Japan, ang P2.6-trilyong plano upang lumuwag ang daloy ng trapiko hanggang 2030.
“Kung magkakaroon tayo ng subway sa EDSA ay malaking tulong ito sa kapasidad ng MRT 3 at magiging maaayos ang transportasyon sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan, lalo na kung matutuloy din ang iba pang proyekto na tulad ng LRT Line 1 hanggang Cavite at magkakaroon ng extension sa LRT Line 2,” ani Pimentel.
Idinagdag ni Pimentel na praktikal ang pagtatayo ng subway sa halagang $700 million lalo na kung iisipin na batay sa pag-aaral ng JICA, ang ating economic loss sanhi ng traffic congestion sa Metro Manila ay tinatayang nasa P2.4 bilyon kada araw na lolobo pa hanggang P6 bilyon kada araw sa 2030 kung mabibigong makialam ang gobyerno.
“Masyado nang maliit ang kapasidad ng MRT 3 sa patuloy na dumaraming pasahero nito,” ani Pimentel. “Kaawa-awa ang mga pasahero sa tagal ng pagpila makasakay lang ng MRT kaya dapat nang pag-aralan ng gobyerno ang pagtatayo ng subway system sa EDSA kung gusto nating magpatuloy ang pag-angat ng ating ekonomiya.”