CABANATUAN CITY - Nanganganib na hindi makaboto sa 2016 ang mahigit 200,000 rehistradong botante ng Nueva Ecija dahil sa kawalan ng biometrics data sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec provincial election supervisor, Atty. Panfilo Doctor Jr., posibleng madiskuwalipika ang nasabing malaking bilang ng mga botante mula sa limang lungsod at 27 bayan o sa 849 na barangay dahil hanggang ngayon ay hindi pa nakukumpleto ng mga ito ang kani-kanilang biometrics data.
Sinabi ni Doctor na base sa huling record ng Comelec-Nueva Ecija, 213,141 ang wala pang biometrics data o 15 porsiyento ng kabuuang 1,360,508 botante sa probinsiya.