ROSARIO, Cavite – Dahil sa pagtutulungan ng isang hepe ng pulisya at kanyang mga tauhan, nailigtas ang isang problemadong construction worker mula sa pagtalon sa isang overpass sa Barangay Tejeros sa bayang ito.

Sinunggaban ng apat na miyembro ng police team ang 31-anyos na lalaki habang kinukumbinse ito ni Supt. Erwin Obal na huwag nang ituloy ang pagpapakamatay.

Hawak ang isang malaking bato sa isang kamay at isang basag na bote sa isa pa, papatalon na ang lalaki sa 15-talampakan ang taas na overpass nang sagipin siya ng mga pulis.

Nagbanta siya na pupukulin ng bato o basag na bote ang sinumang lalapit sa kanya para pigilan siya.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Mula sa malayo, nakiusap si Obal na huwag nang ituloy ng lalaki ang anumang binabalak.

“Kaibigan, may problem ka ba? Baka may maitulong ako,” sinabi ni Obal. Dahil dito, kumalma ang lalaki at sa pagkakataong ito ay sinunggaban siya nina PO3 Sosa, PO1 Yumang, PO1 Candaba at PO1 Valencia, na pasimpleng umakyat sa overpass at nakalapit kay Dalas.

Sa himpilan ng pulisya, ikinuwento ng lalaki na dalawang araw na siyang hindi natutulog at sinabing gusto na niyang mamatay dahil sa isang personal na problema.

Unang siyang dinala sa Rosario Lying-In Clinic para sa medical check-up at isinailalim sa neuro-psychiatric test bago inilipat ang kostudiya sa Municipal Social Welfare and Development Office na roon siya pansamantalang mananatili.

Pinuri naman ni Mayor Jose “Nonong” Ricafrente si Obal at ang mga tauhan nito sa pagliligtas sa lalaki.

Ang lalaki ay tubong Pangasinan at residente ng Pabahay, Barangay San Francisco sa General Trias.

Sa isang panayam, sinabi ni Obal na batay sa salaysay ng isang kaanak ay may diperensiya umano sa pag-iisip ang lalaki at nangangailangan ng pagaruga.

Sinabi pa ni Obal na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang pamilya ng lalaki Dalas matapos mabatid ang tungkol sa tangka nitong pagpapakamatay.

“Mismong siya ang umamin na gumagamit siya ng droga. Sabi niya, ‘di na raw niya makaya ang kanyang problema, na hindi naman niya masabi kung ano. Pero marami siyang sinasabi,” ani Obal.