MAHIGIT 30 taon ang lumipas bago muling nakabisita si Regine Velasquez-Alcasid sa General Santos City at matagumpay na idinaos ang Kapuso Fan’s Day para sa kanyang Mindanaoan supporters.
Nakiisa ang Asia’s Songbird sa pagdiriwang ng charter day ng General Santos at sa Tuna Festival, ang ika-10 stop ng paglilibot ni Regine sa iba’t ibang pangunahing mga siyudad sa Pilipinas.
Inalayan ni Regine ng kanyang timeless hits na Sana Maulit Muli, On the Wings of Love, Hinahanap-hanap Kita, Pangako, Kailangan Kita at iba pa ang kanyang mahigit 6,000 tagahanga sa mini-concert na ginanap sa Events and Convention Center ng KCC Mall of GenSan.
“I miss singing them,” sabi ni Regine tungkol sa mga lumang kanta niya sa isang interview bago ginanap ang mall show. “I recorded them and I remember liking them before. And since I haven’t been really doing concerts a lot, gusto ko kapag nagre-regional ako, ‘yun ang binabalikan namin, ‘yung mga old songs ko simply because I enjoy them. And kasi ang dami ko ring areglo so sayang naman if I don’t use them.”
Inabangan at nagustuhan din ng mga taga-GenSan ang pagbirit ni Regine sa Adele medley: Rolling in the Deep, Someone Like You, at Turning Tables.
Nakasama niya sa stage bilang event host ang comedian at impersonator na si Ate Redg. Nagkaroon din ng dalawang mini-contests: ang Sing-ala-Regine ng tatlong young female aspiring singers, at ang Sarap Divading, na lip-synching battle para sa gay impersonators.
Mas madalas na ring mapapanood ng televiewers ang Asia’s Songbird sa pagpasok ng Bet ng Bayan, ang pinakabagong talent reality show na kanyang iho-host kasama si Alden Richards sa susunod na buwan.
“It’s time to look for another set of superstars again. Since Bet ng Bayanis a nationwide search, each region will have their representative so it’s pretty much exciting,” pahayag ni Regine.
Kasama ni Regine na nakisaya sa Tuna Festival si Bela Padilla ng Sa Puso Ni Dok at sina Glaiza de Castro, Benjamin Alves at Chynna Ortalezamula sa GMA afternoon series naDading na nagkaroon din ng Kapuso Mall Show sa The Atrium ng Gaisano Mall of GenSan. Sina Valerie de Castro at Mona Louise Rey ng My BFF, kasama ang Eat Bulagadabarkads na sina Pauleen Luna at Ruby Rodriguez, naman ang nanguna sa mall show sa SM City GenSan.
Sinundan ito ng Bet ng Bayan provincial showdown kasama si Alden at si Vaness del Moral mula sa The Half Sisters bilang event hosts. Naroon din si Maricris Garcia at ang Hiphop World Champion at Philippine All Stars choreographer na si Kenjohns Serrano na nagsilbing mga hurado. Nagsagawa rin ang GMA Network ng masayang Kapuso Street Party sa Oval Plaza ng GenSan.