Tuloy na ang unang napabalitang plano sa pagdaraos ng opening ng Philippine Basketball Association (PBA) sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Kasunod sa kanilang isinagawang ikalawang “ocular inspection” sa venue, inaprubahan na ni PBA Commissioner Chito Salud ang unang panukala na idaos ang opening sa itinuturing na “biggest domed arena” na matatagpuan sa Ciudad de Victoria compound na pag-aari ng Iglesia Ni Cristo.
Nakatakdang magbukas ang ika-40 taon ng liga sa darating na Oktubre 19.
“Maayos naman lahat. Iyong mga facilities nila, pasado sa PBA standard, magmula sa court, flooring at maging iyong mga locker room and even the acoustic for our sound system,” pahayag ni PBA media bureau chief Willie Marcial.
“Lahat ng mga kailangan para sa game, kumpleto na,” dagdag pa nito.
Ayon pa kay Marcial, hinihintay na lamang nila ang kontrata para sa kasunduan sa pagdaraos ng opening ng PBA sa nasabing venue, pero sigurado na aniyang matutuloy na ito.
“OK na lahat. Tuloy na ‘yun. Magpipirmahan na lang kami ng kontrata,” ayon pa kay Marcial.
Ang Philippine Arena ay kinilala sa Guinness Book of World Records bilang pinakamalaking mixed-use indoor theater na may kapasidad na 55,000 .
Maliban sa basketball coliseum, matatagpuan din sa loob ng complex ang Philippine Sports Stadium, isang football at track stadium na may kapasidad naman na 20,000 katao, gayundin ang isang sports center, isang indoor aquatic at tennis center, isang hotel at 600-bed na ospital.