Agad na makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang kontrapelong Islamic Republic of Iran matapos magkasama sa Group E sa men's basketball event sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.
Hihintayin lamang ng Gilas ang ookupa sa bakanteng silya mula sa qualifying matches bago muling humarap ang koponan sa importanteng preliminary round kung saan ay mahalaga ang bawat panalo.
Matatandaan na nagkaharap ang Pilipinas at Iran sa kampeonato ng 2013 FIBA Asia Men's Championship dito sa bansa noong Agosto kung saan ay iniuwi ng huli ang gintong medalya sa torneo.
Umabot sa 16 na koponan ang lalahok ngayong taon kung saan ay isasagawa muna ang qualification games sa Group A na binubuo ng Mongolia, Hong Kong-China, Kuwait at Maldives at maging sa Group B na kinabibilangan ng Saudi Arabia, Kazakhstan, Palestine at India.
Uusad sa preliminary round ang dalawang koponan na mangunguna sa qualification kasama ang naunang walong koponan may apat na taon na ang nakalipas.
Magsasagupa sa preliminary round sa Group C ang China, Chinese Taipei at ang ookupa sa ikalawang puwesto sa Group B habang nasa Group D ang South Korea, Jordan na makakasama naman ang ookupa sa ikalawang puwesto sa Group A.
Makakasama naman ng Iran at Pilipinas sa Group E ang mangunguna sa Group B habang ang Group F na kinabibilangan ng Japan at Qatar ay makakalaban ang mamumuno sa Group A.
Isasagawa ang qualifying matches ngayon hanggang Oktubre 4.
Matatandaan na maliban sa Pilipinas, sumabak din noong 2010 at tinanghal na kampeon ang China, pumangalawa ang host Korea at pumangatlo ang Iran. Sumabak din ang Japan, Qatar, Jordan at North Korea.
Tumapos sa ikaanim na puwesto ang Pilipinas noong 2010 sa Guangzhou at hangad nila ngayon na mas mapaganda ang ikalawang puwestong pagtatapos sa 2013 FIBA-Asia sa paglahok ng mas pinalakas na koponan sa Incheon.
Mahigit na 50 taon na mula nang magwagi ang Pilipinas ng gintong medalya sa Asian Games noong 1962 sa Jakarta.
Gayunman, asam ng host na mabawi ang korona sa torneo na huling napagtagumpayan nila noong 2002 sa Busan. Una nang humablot ng ginto ang Korea noong 1970 (Bangkok) at 1982 (New Delhi). Ang China ang may pinakamaraming ginto sa Asian Games sa nabingwit na anim na titulo habang ang Pilipinas ay may apat.