Ni GENALYN D. KABILING

PARIS, France - Kung umuusad nga ang ekonomiya ng Pilipinas, bakit hindi gawing global currency ang Philippine peso?

Ito ang nakagugulat pero nakabibilib na suhestiyon ng isang malaking foreign bank kay Pangulong Benigno S. Aquino III nang bumisita ito sa Europe ngayong linggo.

Bagamat namangha sa posibilidad na maging global ang piso, iginiit pa rin ni Aquino na kailangang masusi munang pag-aralan ang nasabing panukala.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Akala ko naman ay medyo mahirap na akong gulatin. Pero nagulat po ako nang isang bangkong malaki ang nagsabi sa atin baka dapat raw ho i-globalize na natin ‘yung peso. Sabi ko, ‘Globalize the peso?’ Ibig ho sabihin no’n, magiging currency na parang dolyar, itine-trade ng ibang bansa,” sinabi ni Aquino sa pakikipagpulong niya sa Filipino community sa Chapelle Sainte Bernadette sa Paris noong Miyerkules ng gabi.

“‘Di ko akalaing may magmumungkahi sa ating gano’n kaganda na at kabango ang Pilipinas, na mayroon nang maglalagay ng kanilang puhunan sa ating salapi dahil may tiwala sa atin [na] may katatagan ‘yung ating ekonomiya, ‘yung ating bansa, at ‘yung ating pananalapi,” dagdag niya.

Subalit tumanggi si Aquino na pangalanan ang bangko na naghayag ng suhestiyon.

Sa halip, inatasan ni Aquino si Finance Secretary Cesar Purisima na pag-aralan ang panukalang gawing international currency ang Philippine peso.

Sa halos lahat ng kanyang pagtitipon sa Europe, ibinandera ni PNoy ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas simula nang siya ay maluklok sa Malacañang noong 2010.

“There is a French word that perfectly encapsulates the state of the Philippine economy: renaissance,” pahayag ni PNoy sa talakayan na dinaluhan ng mga negosyanteng French sa Intercontinental Paris Le Gran Hotel.

Dahil sa mas mataas na competitiveness ranking at credit rating upgrade, sinabi ng Pangulo na itinuturing na ng iba’t ibang pahayagan ang Pilipinas bilang “Asia’s Bright Spot” o “Next Asian Tiger”.