Nakikiramay ang pamunuan ng Philharbor Ferries & Port Services, Inc. (Philharbor), ang operator ng M/V Maharlika 2, sa mga pamilya ng mga namatay sa paglubog ng nasabing barko noong Setyembre 13, 2014.
Tiniyak ng pamunuan na simula pa lang ng aksidente ay nagpaabot na sila ng tulong pinansiyal sa mga survivor, at pamilya ng mga namatay para sa transportasyon, gastusing medikal at pagpapalibing.
Nagpasalamat din ang Philharbor sa mabilis na search-and-rescue operation kaya mas marami ang nailigtas.
Kabilang, anila, sa mga unang rumesponde ang kanilang Maharlika 4, iba pang barko at bangkang pangisda, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy, mga lokal na pamahalaan at mula sa pribadong sektor.
Siniguro rin ng Philharbor na patuloy ang imbestigasyon sa insidente at hindi, anila, ititigil ito hanggang hindi nareresolba ang lahat ng usapin sa trahedya.
Matatandaang patungo sa Liloan, Leyte, mula sa Lipata, Surigao ang MV/Maharlika 2 dakong 11:30 ng umaga nang lumubog ito, lulan ang 81 pasahero at 32 crew members o kabuuang 113 katao at mga rolling cargo.
May clearance rin umano sa PCG ang paglalayag ng naturang barko, pero sinalpok ito ng malalaking alon.
Inihayag din ng Philharbor na ang lumubog na barko ay kayang magsakay ng 403 katao, at kasya ang 12 six-wheeler truck o mga pampasaherong bus at limang kotse.