Bababa na naman daw ang presyo ng mga produktong petrolyo. magandang balita ito, wika ng mga nagulat nito. Ano ang iginanda ng balitang ito? Eh mula nang magkaroon ng laya ang mga kumpanya ng langis na magpresyo ng kanilang produkto, hindi na bumaba sa kwarenta pesos bawat litro ang diesel, singkwenta pesos naman ang gasolinang unleaded. Kapag bumaba ang presyo, barya-barya lang, tulad ngayon. Hindi magtatagal tataas na naman ito, bawi na ang lahat ng ibinaba.
Kaya raw ang mga kumpanya ng langis ay nagbababa ng presyo ng kanilang produkto ay dahil bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Kapag nagtaas sila ng kanilang presyo, isa sa mga dahilan ay tumaas naman ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Maaaring malaman natin na bumaba o tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, pero kung wasto ang pagbaba o pagtaas nila ng presyo ng kanilang produkto sa ating bansa, napakalaking problema ito. Paano, kung may ibang dahilan pa sila nang pagtaas? lahat ng laya ay nasa kanila na kung paano nila ibebenta at pepresyuhan ang kanilang produkto. mayroon nga tayong Energy Regulatory Commission, pero inutil ito para pangalagaan ang kapakanan ng bayan. Paano nga makagagalaw ito ay isinabatas ng magagaling nating pinuno ang kalayaan ng mga kumpanya ng langis sa Oil Deregulation law.
Ang kwarenta porsyento ng ating enerhiya ay langis na nasa banyagang kamay. ang pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto sa ating bansa ay siyang pangunahing dahilan ng pagtaas ng mga batayang serbisyo at pangangailangan. Pansamantala lang ang pagtaas ng presyo ng mga ilang pangunahing bilihin, gaya ng bigas, bawang at asukal dahil sa pagiimbak ng iilan. Pero ang kaganiran ng mga kumpanya ng langis at walang kontrol na pagprepresyo ng kanilang produkto ay siyang tunay na kalaban ng sambayanan. Nakalubog sila sa mga nagsulputang iba’t ibang isyu. Pero, korupsyon din, istilong pork barrel, ang nasa likod ng Oil Deregulation law, sa paglikha at pagpapanatili nito.