Ni AARON RECUENCO

Upang epektibong masubaybayan at masawata ang mga insidente ng krimen, regular na ipamamahagi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang police crime statistics sa 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Simula sa susunod na buwan, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na bibigyan ang bawat punong bayan ng 17 siyudad at isang munisipalidad sa Metro Manila ng police station crime statistics sa kanikanilang lugar.

“This is important in order for mayors in Metro Manila to have a clear picture of the crime situation in their areas,” pahayag ni Roxas sa kanyang pagpupulong sa mga punong bayan ng Metro Manila sa Camp Crame, Quezon City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“This will serve as a foundation to further strengthen the cooperation between the LGUs (Local Government Units) and the police,” ayon sa kalihim.

Bunsod nito, naniniwala si Roxas na makatutulong ang mga local chief executive upang makagawa ng epektibong hakbang ang mga police commander upang mabawasan ang insidente ng krimen.

Halos lahat ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila ay nagbibigay ng iba’t ibang uri ng logistical support sa lokal na pulisya tulad ng karagdagang allowance, armas, sasakyan, communication equipment at pondo para sa gasoline.

Sinabi ni Roxas na makakatulong din sa pagsiwata sa krimen ang mga Peace and Order Personnel ng bawat LGU at may kapangyarihan din ang mga mayor pakilusin ang mga opisyal ng barangay sa pagbabantay sa kani-kanilang komunidad.

Nanawagan si Roxas sa mga punong bayan na ipatupad ang kanyang ipinalabas na memorandum order sa mga LGU sa pagoobliga sa mga establisimiyento na gumamit ng mga closed-circuit television (CCTV) camera laban sa mga kriminal.

Base sa pinakahuling istatistika ng pulisya, sinabi ni Roxas na nagkaroon ng pagbaba sa bilang ng krimen, partikular ang mga kasong murder at homicide.