SA kabila ng ulat na pagkamatay ng isang apat na taong gulang na lalaki na nakitaan ng sintomas ng sakit na meningococcemia, pinabulaanan ng Municipal Health Office ng Rosario, Cavite, ang pagkalat ng balita na may meningo scare sa nasabing lugar.

Sa pahayag ni Dr. Noriel Emelo, isang apat-anyos na lalaki mula sa Bgy. Tramo, Tejeros Convention, Rosario, Cavite ang isinugod sa Lying In Rosario Maternity noong Agosto 26, dahil sa lagnat at mga pantal pero inililpat nailipat sa San Lazaro Hospital at namatay noong Agosto 27.

Nakasaad sa death certificate ng biktima, nakitaan ng mga sintomas ng meningococcemia ang bata na nag-umpisa lang sa lagnat noong Agosto 25.

Ayon kay Emelo, pinainom nila ng antibiotic ang pamilya, kalaro, kapitbahay na nakasalamuha ng biktima upang hindi tablan ng sakit gayundin na-disinfect na ang ospital na pinagdalhan sa bata at pinainom na rin ng gamot ang mga nurse na tumingin sa biktima.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gayunman, sa kabila nito, nilinaw ni Emelo na walang outbreak ng sakit sa nasabing bayan kaya walang dapat kabahala ang mga residente pero nanawagan siya na maging malinis sa kapaligiran at sa katawan, ugaliin ang paghuhugas ng kamay at pagtatakip ng ilong kapag uubo o babahing dahil naipapasa ang nasabing sakit sa pamamagitan ng pawis o laway ng carrier ng sakit.

Pinaalalahanan din ng doktor ng mga residente na sa oras na lagnatin na may kasamang kumbolsiyon, pantal at pagkahilo, agad nang isugod sa ospital ang pasyente upang malapatan ng lunas.

Samantala, nakiusap si Emelo sa netizens na huwag magpakalat ng mali-maling impormasyon na maaaring magdala ng matinding takot sa kaniyang mga kababayan.

Una nang kumalat ang balita sa mga Caviteno sa mga social networking sites partikular ang Facebook at mga text messages na apat na bata at isang nurse na ang namamatay dahil sa nasabing sakit.