Ni LEONEL ABASOLA
Unti-unti nang naglalabasan ang mga anomalya sa Lungsod ng Makati matapos lumutang ang isang dating lokal na opisyal at umamin na halos lahat ng mga proyekto sa Makati ay “niluluto”, kabilang na ang iniimbestigahang Parking Building.
Inamin ni Engr. Mario Hechanova na ang Hilmarc’s Construction na gumawa sa kontrobersyal na gusali ang may pinakamaraming proyekto sa lungsod.
Si Hechanova, ang dating General Service Officer (GSO) at Vice Chairman ng Bids and Awards Committee (BAC), ay naging kawani sa Makati sa loob ng 19 taon.
Sa pagtatanong ni Senator Antonio Trillanes IV, sinabi ni Hechanova na inatasan siya ni City Engineer Nelson Morales na ayusin ang papeles ng Hilmarc’s Construction.
Ibinunyag din ni Hechanova na mayroong silang P200,000 buwanang allowance na natatanggap kay VP Binay, noon ay mayor pa sa Makati, na pinadaan naman kay Morales at iginiit nito na wala siyang kinita sa mga proyekto.
Si Morales ay pinatay noong Agosto 2012 sa Legaspi City ilang buwan ang 2013 elections nang tumakbo siyang alkalde. Si Morales ay naging hepe ni Hechanova sa loob ng 13 taon at ang huling anim na taon naman ay sa BAC ito nagtrabaho.
“Pinatawag ako ni city engineer, sabi niya: ‘Mario gaya ng dati alam mo na kung sino ang dapat manalo sa project na ito.’ Sabi niya na Hilmarc’s Construction Corporation. Si Engr. Morales ay parang alter ego na ng mayor. Kapag siya ang nagutos, alam namin na si Mayor ang nag-utos, si Vice President Binay. Mabubuko siya ni Mayor kung siya lang at siguro matagal na siyang tinanggal sa trabaho kung siya lang,” saad pa ni Hechanova.
Iginiit naman ni Trillanes, na batay sa testimonya ni Hechanova, na dapat na matingnan pa ang ilang proyekto ng Makati City na katulad ng Ospital ng Makati at University of Makati.
Ipinaliwanag pa ni Hechanova kung paano nila “niluluto” ang mga proyekto ng lungsod.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na dapat isumite ang mga dokumento at porgrama ng pamahalaaan para malaman na walang overpricing sa mga proyekto.
Sinabi din nito na maging ang kontroberysal na cake issue na ipinamamahagi ng City Hall ay personal din na pina-follow up ni VP Binay nang siya pa ang alkalde.
“Minsan po pinatawag po ako ni Mayor sa opisina niya. Sabi niya, ‘Mario ano ba ang nangyayari sa payment ng cake ni Nancy?” ayon kay Hechanova.
Itinanggi na ito ni Senator Nancy Binay at iginiit na mismong ang kanyang ama ang nagsabing huwag makialam sa mga proyekto ng munisipyo.
Agad namang isinailalim sa kustodiya ng Office of the Senate Sergeant at Arms (OSAA) para bigyan ng proteksyon si Hechanova habang hinihintay pa ang gagawing aplikasyon nito sa Witness Protection Program (WPP).
Dismayado naman si Senator Aquilino Pimentel III sa hindi pagsipot ni Mayor Jun-Jun Binay, na nauna na ring nangako na ipadadala niya ang kanyang mga tauhan, subalit hindi lahat ng mga hepe ng departamento ay dumalo sa pagdinig.