May isang grupo na nagmamanipula sa suplay ng bawang kaya tumaas nang husto ang presyo nito sa merkado noong Hunyo.

Ito ang lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ).

Matatandaang umabot ng P280 ang presyo ng kada kilo ng bawang o 74% na pagtaas sa loob lamang isang taon nang pumalo ang presyo nito sa P400 kada kilo.

Ayon sa report ng DOJ, partikular ng Office for Competition (OFC), walang naging kakulangan o shortage sa bawang at sa katunaya’y sobra ang stock.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Pero karamihan ng mga import permit ay ipinagkaloob sa iisang grupo at ang grupong ito ang nagdikta ng mataas na presyuhan.

Nabuo umano ang garlic cartel dahil sa kawalan ng malinaw na patakaran ng Bureau of Plant Industry (BPI).

Kinilala ng DOJ ang isang Lilia M. Cruz alyas Leah Cruz na lider umano ng grupong nakakuha ng 75% ng inangkat na bawang. May dummy entities o mga pekeng negosyo umano ito na accredited pa ng BPI.

Ang National Bureau of Investigation (NBI) na nanguna sa imbestigasyon ay mangangalap pa ng karagdagang ebidensya upang maparusahan ang mga nasasangkot na trader at importer.

Sisiyasatin din ang posibilidad na nakipagsabwatan ang kartel sa mga opisyal ng BPI at Department of Agriculture (DA).

Samantala, inihirit ng DOJ na buwagin na ang National Garlic Action Team dahil bukod sa hindi anila ito kailangan, mas nakadagdag lang ito sa problema.