Matapos ang kanilang pinakahuling kabiguan noong nakaraang Miyerkules ng gabi sa kamay ng Puerto Rico, ang kanilang ikaapat na sunod sa ginaganap na FlBA World Cup sa Spain, humingi ng paumanhin si national coach Chot Reyes sa sambayanan, partikular sa mga panatikong tagahanga ng larong basketball.
"We'd like to apologize to Filipino fans and our supporters for not being able to get them a win," pahayag ni Reyes sa kanyang naging panayam sa TV5 kung saan siya rin ang head ng sports division ng nabanggit na istasyon.
Ayon kay Reyes, ang kakapusan sa karanasan ng kanyang mga manlalaro sa nasabing world class level na kompetisyon at mismong ang sarili niya bilang coach ang isa sa malaking dahilan ng kanilang pagkabigo.
“Our inexperience, of my players of myself as a coach, played a role. We fought hard. Effort was there but wasn’t enough,” pag-amin ni Reyes.
Nakuha pang lumamang ng Gilas Pilipinas ng 14 puntos kontra sa Puerto Rico, ngunit hindi nila nakuhang panatilihin hanggang sa huli kung saan ay kumamada ng mga krusyal na basket ang star ng Puerto Rico na si JJ Barea upang kabigin ang 77-74 tagumpay.
Bunga nito, natamo ng mga Pinoy ang isa na namang masaklap na pagkabigo, na hindi nalalayo sa kanilang mga naunang pagkabigo kung saan kinapos sila sa huli.
“Every game we played we had the ball in our hands, a chance to make a game winning play and we just didn’t deliver,” ayon pa kay Reyes.
Ang kanilang turnovers na umabot sa 19 ang aniya’y naging sanhi ng kanilang pagkabigo at hindi ang mga nagmintis nilang clutch baskets.
At dahil sa pagkatalo sa Puerto Rico, nawalan na ng pagasa ang Gilas na makausad sa susunod na round.