Inihayag kahapon ng National Irrigation Administration (NIA) na may sapat na tubig na ang Bustos Dam dahil sa patuloy ng malalakas na pag-ulan sa Rehiyon III partikular sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.
Nabatid kahapon na mahigit sa above-normal ang lebel ng tubig sa 17.28 metro sa Bustos Dam at hindi na ito nangangailangan pa ng karagdagang tubig mula sa Angat Dam para masuplayan ang mga aktibidades ng mga magsasaka sa Bulacan.
Ayon kay Engr. Preciosa Punzalan ng NIA Region 3, ang kasalukuyang lebel ay mas mataas kung ikukumpara sa 14.80 metro noong nakalipas na isang linggo nanng mangailangan ng patubig ang mga magsasaka dahil walang ulan na dumating noong Agosto 23.
Ang alokasyon ng patubig ay nasa 42 cubic meters per second (cms) para sa 5 araw at 21 cms hanggang sa nakaraang katapusan ng Agosto mula sa Angat Dam para masuportahan ang pangangailangan ng sakahang nasa 14,751 ektarya.
Kung hindi masusuplayan ng patubig ang mga sakahan sa nasabing lugar ay tinatayang aabot ng P1.25B ang malulugi sa region 3 ng isang beses sa panahon anihan.
Dahil dito, nitong nakaraang Agosto 25 ay hiniling ng NIA sa Angat Dam na itigil na nila ang pagpalabas ng tubig sa Bustos Dam dahil may sapat na itong tubig at pagtuloy na rin ang malalakas na pag-ulan.
Ayon sa opisyal ng NIA, hindi na rin sila nagpalabas ng tubig mula sa dam patungo sa mga sakahan dahil may tubig na ang mga ito mula sa ulan.
Batay sa data ng NIA, noong Agosto 15 may sapat na tubig sa Rehiyon III sa 77,000 ektarya sakahan nito.
Ang kabuuang 54,000 ektaryang sakahan ay kasalukuyan nasa ilalim ng Crop Monitoring - Vegetative Stage; 10,000 ektarya na nasa ilalim ng Crop Monitoring - Reproductive Stage; at ang 13,000 ektarya naman ay nasa ilalim ng Land Soaking at Land Preparation. Ang lebel ng Angat Dam kahapon ay nasa 182.69 metro na mas mataas ng 2.69 metro sa Minimum Operating Water Level (MOWL) ng 180 metro. - Jun Fabon