Kilala ang tauhan ng Pasay City Police na bumaril at nakapatay sa international race driver na si Ferdinand “Enzo” Pastor noong Hunyo 12 bilang isang “malatuba” at “tamad” sa trabaho.

Ito ang ibinunyag ni Chief Supt. Jose Erwin Villacorte, Southern Police District (SPD) director, tungkol kay PO2 Edgar Angel, na umamin kamakailan na siya ang triggerman sa 31-anyos na karerista.

Dahil sa negatibo nitong reputasyon, sinabi ni Villacorte na itinapon si Angel sa Regional Police Holding Administrative Unit (RPAU) sa Camp Bagong Diwa, Taguig para sumailalim sa 45-araw na schooling program.

“May allegation (sa kanya). May reputation kasi, kaya pinag-schooling may kasalanan kasi ‘yan. Malatuba, tamad mag-duty kaya pinagbalik schooling and take a (police) refresher course,” ayon kay Villacorte.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Matapos ang schooling, itinalaga si Angel sa SPD Tactical Operations Command (TOC) bilang radioman.

Ayon kay Villacorte, hiniling ni Pasay City Police chief Senior Supt. Florencio Orpilla na maibalik si Angel sa himpilan nito upang makadalo sa pagdinig ng mga kaso hinggil sa ilegal na droga noong nakatalaga pa ito sa Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group.

Lumitaw sa record na bumalik si Angel sa Pasay Police noong Hunyo 16, apat na araw matapos ang pagpatay kay Pastor.

Una nang inamin ni Angel na inupahan siya ni Domingo De Guzman, na umano’y karelasyon ng maybahay ni Enzo na si Dahlia Pastor, ng P100,000 upang ilikida ang race car driver. - Francis Wakefield