Isang Pinay nurse na mula sa Saudi Arabia at kauuwi lamang sa bansa ang iniulat na positibo sa sakit na Middle East Respiratory System–Coronavirus (MERS-CoV).

Sa isang pulong-balitaan kahapon ng tanghali, nilinaw ni Health Secretary Enrique Ona na sa kabila nito ay maituturing pa rin na MERS-CoV-free ang Pilipinas dahil hindi naman dito sa bansa nahawa ng sakit ang Pinay nurse, na hindi na nito pinangalanan.

Ayon kay Ona, ang Pinay nurse ay nahawa ng MERS-CoV habang nasa Saudi Arabia dahil nag-alaga umano ito ng pasyente roon na tinamaan ng sakit.

Sa kasalukuyan ay naka-confine na ang Pinay nurse sa Southern Philippines Medical Center. Isinailalim na rin siya sa confirmatory test na ang resulta ay posibleng nailabas na kagabi.

National

Lindol sa Zamboanga del Norte, ibinaba na ng Phivolcs sa magnitude 5.4

Tiniyak rin ni Ona na ang buong pamilya ng pasyente ay kinuhanan na ng swab test upang matukoy kung nahawahan na rin sila ng sakit.

Nais ring matiyak ng DoH na maiiwasan ang local transmission ng MERS-CoV kaya puspusan ang ginagawa nilang contact tracing upang matunton ang mga pasaherong nakasabay ng nurse sa biyahe at masuri ang mga ito.

Kabilang sa mga tinutunton ay ang mga pasahero ng Saudi Airlines Flight SV 870 na may 249 passenger at Cebu Pacific Flight SJ 997 na may 143 pasahero.

Nabatid na noong Martes lamang natanggap ng DoH ang ulat hinggil sa Pinay nurse na nag-positibo sa MERS-CoV.

Kaugnay nito, pinayuhan ng DoH ang publiko na ugaliing maghugas ng kamay at umiwas rin sa mga taong may karamdaman na tulad ng ubo upang makaiwas sa anumang sakit.

Nanawagan rin si Ona sa overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Middle East, partikular na ang health workers na nagkaroon ng contact sa MERS-CoV patients, na magpasuri muna at hintayin ang resulta nito upang matiyak na wala silang sakit bago umuwi sa Pilipinas.

Samantala, sa kaso ng Ebola virus, tiniyak ni Ona na nananatili pa ring Ebola-free ang Pilipinas.