Kung hindi ka taga-Manila ngunit naaalala mo ang bantayog ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal, may itinatayong 46-palapag na condominium unit sa di kalayuan sa sa likuran ng naturang pambansang atraksiyon. Kung sa pamamasyal mo sa Luneta noon – na pinangalanang Rizal Park ngayon - malamang natanaw mo ang magarang bantayog ng Pambansang Bayani at ang bughaw na kalangitan bilang background nito. Hindi ba angkop na pagluluwalhati iyon sa isang nag-alay ng sarili para sa bayan? Dinarayo iyon ng maraming turista at malamang din na nagpapakuha pa ng larawan. Ngayong may gusali na roon sa background, parang sisimangot ka na at tatamaring kumuha ng larawan – unless na magaling kang mag-photoshop, burahin ang gusali at ibalik mo ang bughaw na kalangitan.
Ang gusaling itinatayo roon na tinatawag na Torre de Manila ay nasa line of sight mismo ng bantayog ni Dr. Rizal. Para sa akin, napakapangit na background iyon para sa bantayog ng isang taong iniidolo sa buong mundo. Wala na ang bughaw na kalangitan na nag-iiba-iba ng kulay depende sa lagay ng panahon. Kaya tinawag iyon na “Terror de Manila” at “Pambansang Photobomb” ng mga netizen. Hay... Sorry na lang kay Dr. Rizal... Nalambungan ng kongkreto at bakal ang kanyang kaluwalhatian.
Dahil nga tinawag iyong Pambansang Photobomb, malamang na puntahan pa rin ng mga banyaga at lokal na turista ang bantayog ni Dr. Rizal, at kunan ito ng larawan at ipakita sa kanilang mga kaibigan sa kanilang pag-uwi sa kani-kanilang bansa. Kakaiba kasi ang naging pasya ng mga kinauukulan – ang magtayo ng istruktura bilang background ng isang national landmark. Natitiyak ko rin na mayroong sapat at matalinong dahilan kung bakit pinahintulutan ang pagtatayo ng malaking istrukturang nakasira ng ganda ng isang historical landmark.
Sana may mangyari sa rekomendasyon ni Sen. Pia Cayetano na gibain o bawasan ang taas ng istruktura dahil mayroong paglabag dito, aniya. Pero mas mainam na alisin na lamang upang maging buo ang himpapawirin sa likuran ng monumento ni Dr. Rizal. Natitiyak kong sasang-ayunan ito ng magigiting na pinuno ng Manila, upang hindi na idaan sa photoshop ang nakunang photobomb sa Rizal Monument. Igalang natin ang ating Pambansang Bayani, ibalik ang kanyang luwalhati.