Sasalain ngayon hanggang bukas ng Philippine Volleyball Federation (PVF) ang mga pinakamagagaling na volleyball player sa bansa para sa bubuuing national men’s at women’s team sa Ninoy Aquino Stadium.

Inimbitahan ng PVF ang mahigit sa 100 manlalaro na kinukonsiderang pinakamahusay sa volleyball para sa dalawang araw na national volleyball tryout sa kalalakihan at kababaihan.

Sinabi ni PVF president Karl Geoffrey Chan na asam nilang mabuo ang pinakamalakas na koponan sa kalalakihan at kababaihan na kanilang isasabak sa iba’t ibang lokal at internasyonal na torneo, partikular sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore.

“Basically, our aim is to built the strongest possible national team in the men and women’s,” sinabi ni Chan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Matagal na rin tayong hindi nakasasali sa Southeast Asian Games (SEA) at iyan ang ating unang objective. Next are those qualifying events sa mga international like in the 2016 Rio de Janeiro and World Champioonships,” pahayag pa ni Chan.

Mismong si PVF Secretary General Dr. Rustico “Otie” Camangian ang nagtakda sa dalawang araw na national volley team tryout habang isasagawa naman sa Setyembre 8-9 ang seleksiyon para sa women’s volleyball sa ganap na alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Matatandaan na huling nagkaroon ng pambansang koponan sa kababaihan noong 2005 na nagawa pang mag-uwi ng tansong medalya sa ilalim ni national coach Ramil de Jesus bago binuwag at hindi na nakalahok sa nakalipas na tatlong edisyon ng SEA Games noong 2007, 2009 at 2011.

Hindi na rin matandaan ni Chan kung kailan huling sumabak at nagwagi ng medalya ang men’s volley team sa SEA Games bagamat umaasa ito na muling makakaahon ang bansa sa pagbuo sa koponan.

Samantala, natapos na ang try-out para sa bubuuing U17 PH Youth Girls Volleyball Team noong Agosto at sasalain na lamang ng itinalagang coach staff na sina Jerry Yee, Raymond Castillo at Emilio Reyes Jr. ang komposisyon.

Ang koponan ay nakatakdang sumabak sa 10th Asian U17 Youth Girls Volleyball Championships sa Nakhon Ratchasima, Thailand sa Oktubre 11-19.