Ang pangunahing dahilan kung bakit idineklara ng Supreme Court (SC) na unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ay ang katotohanang gumagastos ng bilyun-bilyong piso ang Executive Department mula sa kaban ng bayan nang walang pahintulot ng Kongreso sa pamamagitan ng General Appropriations Act na nakatadhana sa Konstitusyon.
Sa pagsisikap nitong ipagtanggol ang DAP bilang isang stimulus fund, nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng isang listahan ng mahigit 100 proyekto na may katugon na halaga ng salapi na inaprubahan o nai-release. Ang lahat ng proyektong naroon ay waring karapat-dapat, na sumusuporta sa pahayag na binuo at ipinatupad ang DAP nang walang masamang hangarin o in good faith na ang pangkalahatang layunin ay pasiglahin ang pambansang ekonomiya.
Gayunman, hindi sumailalim sa audit ng Commission on Audit (COA) ang mga proyekto dahil hindi iyon mga opisyal na proyekto sa national budget. Ito ay pawang mga proyekto na napagkasunduan lamang ng iilang matataas na opisyal sa administrasyon. Waring yaong malalapit sa naturang mga opisyal ay nagharap lang ng kani-kanilang mga proyekto at humingi ng milyun-milyon upang pondohan ang mga iyon at ini-release ang salapi, tulad ng isang malaking kumpanya na may revolving fund.
Ngayon, sinabi na isang senador lamang ang nakakuha ng P1 bilyon mula sa DAP para sa mga pet project sa lalawigan nito. Sa pagsisimula, inamin ng senador na ito na tumanggap ng P100 milyon na kanyang sinabing nagpunta sa pagpapatayo ng isang convention center. Ngunit ngayon, ayon sa dalawang kongresista, sa kabuuang P10 bilyon sa DAP funds na napunta sa mga mambabatas, ang P1 bilyon ay napunta lamang sa senador na ito.
Ang isyu ng konstitusyonalidad ay ipinasya ng SC. Kung wasto ba ang paggamit ng salapi ay ibang isyu na. Dito dapat pumasok ang COA. Ngunit walang audit ang DAP funds. At malamang na hindi nga ito tutuusin. Magpahanggang ngayon, hindi pa naglalabas ang DBM ng mga detalye sa mga proyektong nasa ilalim ng DAP. Hiniling dito na maglabas ng mga liham na natanggap nito mula sa mga mambabatas na humiling ng kani-kanilang salapi, ngunit hindi pa tumutugon ang DBM sa kanilang mga request Mas mauunawaan pa ng taumbayan ang layunin ng DAP bilang isang programa para sa pagpapasigla ng pambansang ekonomiya at ang good faith na sinasabi ng mga opisyal na nagtulak sa kanilang ipatupad ang mga iyon, at kung masasagot ang mga tanong tungkol sa mga individual project at salapi at may angkop na pagtuos ang ipatutupad. Hanggang hindi natutupad ang mga ito, mananatiling nakabitin ang DAP tulad ng Priority Development Assistance Fund na idineklara ring unconstitutional ng Supreme Court.