Pumaso na ngayong araw, Setyembre 4, ang maintenance contract sa Metro Rail Transit (MRT) ng Autre Porte Technique (APT) Global Inc.
Sa kabila nito, kinumpirma ni MRT spokesperson Hernando Cabrera sa panayam sa telebisyon na wala pang contractor na maaaring ipalit dahil magkakaroon pa ng pormal na bidding.
Anila, ikinagulat na hindi agad naumpisahan ang bidding para sa bagong contractor kaya minamadali para matugunan ang problema.
Nabatid na papalawigin naman kada buwan ang kontrata ng APT Global hanggang wala pang nakukuhang kapalit na maintenance provider.
Unang inamin ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio “Jun” Abaya na palalawigin ang contract ng kasalukuyang provider dahil aabutin ng isang buwan ang proseso ng procurement.
Sa pagdinig sa Senado, iginiit ni Sen.Grace Poe na dapat masusing tutukan ang bidding sa susunod na maintenance provider ng tren.
Napag-alaman sa pagdinig na bumagsak ang performance ng MRT simula 2012 nang ang APT Global na ang may hawak ng kontrata bilang maintenance provider nito. - Jun Fabon