Sa kabila ng mga naunang babala, patuloy na nabibiktima ang mga Pilipino ng online scammers na nangangako ng bogus na trabaho sa Europe, dahilan upang muling maglabas ng babala sa publiko ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na maging maingat sa mga iniaalok na trabaho sa Internet.

Una nito, nakatanggap si POEA Administrator Hans Leo Cacdac ng ulat mula sa Embahada ng Pilipinas sa Lisbon hinggil sa mga Pilipinong nabiktima o nakatanggap ng e-mail mula sa umano’y mga kumpanya sa Portugal, na nag-aalok ng mga trabaho at nangangakong iproseso ang kanilang entry visa o work permit. Pagkatapos ay hihingan sila ng processing fees na ipadadala sa money transfer.

Sinabi ng POEA na natuklasan na ang mga tiwaling indibidwal ay kinakatawan ng tunay at kagalang-galang na kumpanya sa Portugal sa pamamagitan ng paggamit ng impormasyon sa kanilang mga website, ngunit papalitan ang contact information.

Ang bogus job processors ay makikilala sa pamamagitan ng paghingi ng mga ito nh umano’y Entry Clearance Certificates, International Overseas Employment Certificates (IOEC), at Affidavits of Guarantee Fund – na hindi hinihiling ng Portuguese authorities.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sa ibang mga kaso, ang tatanggap ng e-mail ay hihiling sa iyo na mag-transact sa isang itinalagang travel agency na magpoproseso ng mga kinakailangang dokumento at visa para sa job contract.

Sinabi ni Cacdac na binanggit ng Embahada ng Pilipinas sa Lisbon ang kaso ng isang Pilipino na inalok ng managerial position sa Grupo Salvador Caetano, isang pangunahing kumpanyang Portuguese.

Nilanaw ng naturang kumpanya na hindi totoo ang alok na trabaho at ginagamit lamang ang kanilang kumpanya.

Ayon kay Cacdac, ang mga prestihiyosong kumpanya ay mayroong mga sariling kagawaran na mapagkukunan ng tao, at bihirang kumuha ang mga ito ng mga empleyado sa pamamagitan ng Internet.

“Any unsolicited job offer through e-mail which requires payment of fees for testing, language seminar, documentation and processing of visa is a sure sign of a scam,” ani Cacdac. - Mina Navarro