Tulad ng ating inaasahan, mabilis na pinatay ang impeachment case laban kay Presidente Aquino; at kagyat na itong inilibing, wika nga. Hindi man lamang umusad ang matinding balitaktakan sa Kamara, tulad ng mga naunang impeachment complaint laban sa mga dating Pangulo ng bansa at iba pang opisyal ng gobyerno. Siyempre, ikinadismaya ito ng mga nagsampa ng naturang kaso.

Subalit may dapat ikagalak ang ilan nating mga mambabatas na bumalangkas ng impeachment case laban sa Pangulo. Matagumpay nilang napaugong sa sambayanang Pilipino ang mga alingasngas na sinasabing kinasasangktuan ng mga kaalyado ng administrasyon. Pangunahin dito ang masalimuot na Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP) na naging tampok sa nabanggit na impeachment case.

Dahil dito, hindi na maaaring sampahan ng gayon ding kaso ang Pangulo sa taong ito, kundi sa susunod na taon. Subalit ngayon pa lamang, kabilang ako sa mga naniniwala na isa lamang itong pag-aaksaya ng panahon, pagod at salapi ng sambayanan. Paanong magtatagumpay ang paglilitis kung ang anumang asunto laban sa Pangulo ay ‘dead-on-arrival’ sa Kongreso?

Ang pagsasampa ng anumang kaso laban sa sinumang opisyal ng pamahalaan ay umusad lamang pagkatapos ng kanilang panunungkulan. Katulad ito ng kaso ni dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo na sinampahan ng katakut-takot na demanda na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong, bagama’t wala pang pangwakas na pasiya sa kanyang mga asunto na kasalukuyang nililitis sa mga hukuman. Ang sinuman ay itinuturing na walang kasalanan hanggang hindi napatutunayan ang kanyang mga pagkakasala.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ang iba pa niyang kaalyado ay nagdurusa rin sa iba’t ibang asunto na ibinibintang sa kanila. Nakakulong na rin ang iba sa kanila.

Sa ngayon, at hanggang sa matapos ang panunungkulan ng mga impeachable officials, malabong sila ay masampahan ng kaso. Masyadong makapangyarihan ang kampihan at party loyalty ng mga magkakaalyado sa administrasyon.