Nakamit ng CSB La Salle Greenhills ang solong ikaapat na puwesto matapos lusutan ang dating kasalong San Sebastian College (SSC), 81-78, sa pagpapatuloy ng second round ng NCAA Season 90 juniors basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City kahapon.

Lamang ng 5 puntos, 80-75, nalagay pa sa alanganin ang Greenies matapos tapyasin ng Staglets ang kalamangan sa dalawa, 78-80, matapos ang isang 3-pointer ni Regille Ilagan, may mahigit 10 segundo ang nalalabi sa laban.

Para pigilin ang oras, agad naman silang nag-foul na naghatid sa free throw line kay Michael dela Cruz na nakuha lamang maipasok ang kanyang huling attempt.

May tsansa pa sanang tumabla ang Staglets at ihatid ang laro sa extension, ngunit sinupalpal ni Ricci Rivero ang muling pagtatangka ni Ilagan sa ibabaw ng key sabay sa pagkaubos ng oras at pagtatapos ng laro.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dahil sa panalo, umangat ang Greenies sa barahang 7-6 (panalo-talo) kasunod ng mga namumunong Letran (9-2), San Beda (9-3), JRU (8-3) at Mapua (8-3) habang bumaba naman ang Staglets sa ikalimang puwesto sa barahang 6-7 (panalo-talo) kartada.

Nagtala ng 22 puntos, 5 rebounds at 2 assists si Rivero para pamunuan ang nasabing panalo habang nag-ambag naman ang kakamping si John Gob ng 17 puntos at 18 rebounds.

Sa kabilang dako, nanguna naman para sa Staglets si Jeremy Cruz na nagposte ng game high 24 puntos, 6 rebounds at 2 assists. - Marivic Awitan