Bagamat bigo sa kanilang unang tatlong laro, o kahit na mabigo na makapag-uwi ng panalo, magbabalik pa rin ang national men’s basketball team o mas kilala sa tawag na Gilas Pilipinas na panalo.

Panalo , hindi sa laro kundi sa puso ng bawat Filipino na labis ang pagmamahal sa larong basketball at panalo dahil nakuha nila ang respeto at paghanga ng halos buong mundo, kabilang na ang mga tinaguriang mga powerhouse sa sport na basketball.

Bagamat muli na namang kinapos sa kamay ng world ranked No. 3 na Argentina sa kanilang ikatlong laban, labis naman na hinangaan ang maliliit ngunit maliliksing mga Pinoy sa ipinakita nilang puso sa laban.

“They play very well, they’re different because they feel this basketball, they play with passion,” wika ni Argentinian coach Julio Lamas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon pa kay Llamas, talagang bumilib siya sa mga Pinoy dahil kakaiba ang estilo ng mga ito at nakakahanga ang kanilang “run and gun play”.

Ngunit naniniwala siyang ang tunay na susi ng magandang inilalaro ng Gilas kontra sa pinakamagagaling na mga koponan sa buong mundo ay ang kanilang malaking puso.

Habang isinasara ang pahinang ito, nakikipaglaban ang Gilas sa Puerto Rico sa isang napakahalagang laro kung saan ay nakataya ang kanilang tsansa na umusad sa ikalawang round.

Kung magagawa nilang talunin ang Puerto Rico, mabubuhay ang kanilang tsansa sakaling gapiin naman ng Argentina ang Senegal na siyang pinakahuling makakalaban ng Gilas.

Ngunit anuman ang maging resulta ng kanilang kampanya, iisa ang tiyak, napatunayan ng mga Pinoy na kahit maliliit sila ay mayroon silang puwang sa higanteng mundo ng basketball.