Ni LEONEL ABASOLA
Tiwala si Senate President Franklin Drilon na maipapasa nila ang dalawang batas na naglalayong maibaba ang koleksiyon ng buwis.
Aniya, panahon na para mabago ang istruktura ng buwis sa bansa dahil ito ay umiral mula noong 1987.
Ang tinutukoy ni Drilon ay ang individual tax at ang individual income tax bracket na lubhang nakaaapekto sa mga manggagawa.
“If the salary hike that our workers have been asking the government to provide is not yet possible due to fiscal constraints, a legislation that will increase the workers’ net take-home pay is the best alternative we can work on,” paliwanag ni Drilon.
Nagbabala pa si Drilon na kapag hindi nakagawa ng pagbabago sa batas ay tiyak na sa 2018, ang kinakaltas na buwis sa mga ordinaryong mangaggawa ay magiging kapareho na buwis na inaawas sa isang president.
Ang parehas na bersiyon ng panukalang batas ay kasalukuyang nakadulog sa Committee on Ways and Means ng Senado at Kamara.
Aniya, ganito rin ang magiging sitwasyon sa pribadong sektor, kung saan ang mga bagong tanggap na trabahador na may mababang posisyon ay magbabayad pa rin ng 32% tax rate na kaparehong ipinapataw sa mayayamang opisyal at executive ng malalaking kompanya.
Iginiit ni Drilon na hindi katanggap-tanggap ang parehong sitwasyon dahil taliwas ito sa itinakda ng Saligang Batas na progresibong sistema ng pagbubuwis sa mga mamamayan.
Isa pa sa ipapasa ng Kongreso ang panukalang batas na magtataas sa tax exemption limit sa 13th month pay at iba pang benepisyo at bonus ng mga trabahador, maging pribado man o pampublikong sektor.
Ang panukalang batas ay magtataas sa exclusion limit o limit para hindi magbayad ng buwis ang isang mangagagawa sa 13th month pay, Christmas bonus, at iba pa, mula sa kasalukuyang P30,000 papunta sa P75,000. Ani Drilon, dahilan ito sa hindi na angkop ang lumang probisyon sa Republic Act No. 7833 na nagpapataw ng P30,000 noon pang 1994.