Anim sa pitong miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) na inakusahang pumatay sa isang mangingisdang Taiwanese sa karagatan ng Balintang Island noong Mayo 2013 ang naghain ng “not guilty” plea nang basahan ng sakdal sa isang korte sa Batanes.

Unang itinakda ngayong Setyembre ang arraignment ng anim na tauhan ng PCG subalit noong Martes lang ito natuloy matapos ibasura ni Batanes Regional Trial Court (RTC) Judge Ramon Barona ang mosyon ng mga akusado na ibasura ang kaso laban sa kanila, ayon kay Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera.

Inihayag ng mga akusado sa kanilang mosyon na bigo ang prosekusyon na magpakita ng ebidensiya na nangyari nga ang krimen o namatay nga ang mangingisdang Taiwanese na si Hong Shi Cheng tulad ng mga iginigiit sa kaso.

“The court junked the motion to quash of the accused kasi walang nakitang defect doon sa resolution indicting them for homicide at wala ring grave defect sa resolution,” pahayag ni Navera sa panayam sa telepono.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kabilang sa mga naghain ng “not guilty” plea sina Seaman First Class Mhelvin Aguilar Bendo II, Andy Gibb Ronario Golfo, Sunny Galang Masangkay at Henry Baco, SN2 Nickey Reynold Aurellio at PO2 Richard Fernandez Corpus.

Tanging si SN1 Edrando Quiapo Aguila ang hindi nabasahan ng sakdal dahil dumalo ito ng burol ng isang kamag-anak sa Metro Manila.

Ang commanding officer ng pito na si Arnold de la Cruz, na kabilang sa mga kinasuhan, ay naghain din ng not guilty plea sa arraignment noong Hulyo.