Ni GENALYN KABILING
Isang bagong inter-agency task force ang binuo para palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa nakamamatay na ritwal ng hazing sa mga fraternity.
Sa Memorandum Circular No. 68, itinalaga ni President Benigno Aquino III si Justice Secretary Leila de Lima para pamunuan ang bagong grupo na naglalayong repasuhin at palakasin ang implementasyon ng anti-hazing law at maiwasan ang karahasan sa fraternity.
Ang mga kasapi ng bagong task force ay ang Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, the Commission on Higher Education, the Philippine National Police, National Youth Commission, at ang Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs.
Binigyang diin ng kautusan, nilagdaan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. noong Agosto 28 sa basbas ng Pangulo, na ang “hazing-related fraternities continue to occur” sa kabila ng pagpasa sa Republic Act No. 8049 o ang Anti-Hazing Law ng 1995. “The task force seeks to address the need to ensure that there is justice for hazing fatalities and their families. At the same time, we have to look at whether the law can be improved so that its objectives are met,” ani Ochoa.
Nilikha ang task force kasunod ng pagkamatay ni Guillo Cesar Servando, sophomore student sa De la Salle-College of St. Benilde sa Manila, sa diumano’y hazing rites. Ilang mambabatas ang nagpanukala ng ilang pagbabago sa anti-hazing law upang mapunan ang mga butas nito at mawakasan na ang walang saysay na pagkamatay resulta ng hazing.
Sa ilalim ng huling presidential directive, ang bagong task force “[will] review and formulate policies, programs, and guidelines to strengthen the implementation of RA 8049.”
Bilang pinuno ng bagong task force, si De Lima ay pagkakalooban ng “full executive authority” upang ipatupad ang mga function ng grupo.
Sa ilalim ng RA 8049, walang hazing o initiation rites sa anumang porma ng isang fraternity, sorority o organisasyon ang pahihintulutan nang walang abiso sa mga awtoridad ng paaralan. Walang anumang pisikal na karahasan na gagamitin ng sino man sa initiation rites.
Kung ang isang tao na isinailalim sa hazing o iba pang initiation rites ay nagkaroon ng injury o namatay, angopisyal at mga opisyal at miyembro ng fraternity, sorority o organization na sumali sa ritwal ay papatawan ng kaukulang parusa.
Ang kasalukuyang anti-hazing law ay nagpapataw ng life imprisonment “if death, rape, sodomy or mutilation results there from.”