Nauwi sa trahedya ang selebrasyon ng anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Trinidad sa Bohol matapos na mag-amok at maghagis ng hand granade ang isang lalaking lasing sa palengke sa nasabing lugar, noong Lunes ng hapon.
Sinabi ni Supt. Joie Yape Jr., tagapagsalita ng Bohol Police Provincial Office, na nasa kalagitnaan ng pagdiriwang nang maghagis ng granada si Dinoberto Fuentes, ng Purok 7, Barangay San Vicente, na agad sumabog.
Dalawang tao ang nasawi sa pagsabog ng granada, na ikinasawi nina Nestor Bernales at Fidela Cajes Macua, kapwa tindero sa naturang palengke.
Samantala, kritikal ang kondisyon ng tatlo sa 12 nasugatan sa pagsabog.
Agad namang naaresto si Fuentes ng mga operatiba ng Trinidad Police at nakumpiskahan pa umano ng ilang pakete ng shabu at marijuana.
Sinasabing lasing at nasa impluwensiya umano ng ilegal na droga ang suspek.
Inalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng suspek at kung anong klaseng granada ang ginamit sa pagpapasabog.