Gagamit na ngayon ang Philippine National Police (PNP) ng pro-active and well-coordinated police operation laban sa mga sindikatong sangkot sa pagnanakaw ng mga sasakyan.
Ang paggamit ng bagong estratehiya ng PNP ay bunsod ng pagtaas ng insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa unang anim na buwan ng 2014.
Lumitaw sa record ng PNP Highway Patrol Group na aabot sa 15.9 motorsiklo ang ninanakaw kada araw noong Enero hanggang Hunyo 2014 kumpara sa 8.72 motorsiklo na tinangay sa kaparehong panahon noong 2013.
Sinabi ng PNP na ang biglang pagdami ng motorcycle theft ay bunga ng ipinatupad na blotter-based reporting system ng lahat ng police unit. “The biggest challenge for the Group is the validation of reported motorcycle theft cases whether they are true or fabricated considering the numerous reports received by our office everyday,” ayon sa pamunuan ng HPG.
“As observed, most of these cases are related to financing frauds or when the possessor is unable to continue paying its monthly dues, they resort to false reporting,” dagdag nito.
Bukod sa pagpapalit ng anticarnapping strategy, linggu-linggo na ring nag-iinspeksiyon ang HPG sa mga establisimiyento na nagbebenta at bumibili ng mga sasakyan, motorsiklo at piyesa ng mga ito.
Patuloy din ang mga seminar sa iba’t ibang modus operandi ng mga carnapper para sa mga himpilan ng pulisya at iba pang law enforcement agency.