SCENE stealer pala talaga ang music video ng Pare, Mahal Mo Raw Ako na ginawa ng mga estudyante ng University of the Philippines.
Habang ipinapakita ito sa album launch cum presscon ng Himig Handog P-Pop Love Songs 2014 nitong nakaraang Lunes ng gabi ay walang tigil ang hiyawan mga tao sa loob ng Dolphy Theater.
Hindi dahil alaga ni Katotong Jobert Sucaldito ang interpreter ng kantang sinulat ni Joven Tan na si Michael Pangilinan kaya kami bias kundi maski sinong singer pa ang kumanta nito at ganoon pa ang concept ng music video ay tiyak na gagawa talaga ito ng ingay.
Nagustuhan namin ang music video dahil bukod sa sobrang linaw ay may kuwento at maraming interaksiyong nangyayari tulad ng kinakausap ng singer ang kumpare niyang in love sa kanya na kasama niya sa lahat tulad ng paglalaro ng basketball, inuman, pamimisikleta, pamamasyal, biruan, gimikan at hanggang sa pagtulog.
Hindi ito ‘yung music video na nakatayo lang na parang tuod ang singer na kanta lang nang kanta sa iisang venue na maganda ang production design at puro mukha pa ang ipinakikita, nakakasawa.
Nagustuhan din namin ang music video ng Pumapag-Ibig ni Marion Aunor na sinulat ni Jungee Marcelo dahil nakakaindak at nakaka-LSS at may kuwento rin ang kanta at pang-teenagers.
Tawa naman kami nang tawa sa awitin ni Janella Salvador na Mahal Kita Pero dahil parang ‘yung shampoo commercial niya ang peg ng music video na sumasayaw-sayaw at maraming kasama pa. Okay lang ang kanta, panghayskul.
Ang Walang Basagan ng Trip nina Jugs at Teddy na sinulat ni Eric de Leon ay hindi love songs ang dating sa amin dahil bukod sa tonong rock ay walang lyrics na mahal niya ang isang tao, basta ang sabi lang, “Kung gusto kong manligaw, p’wede walang basagan ng trip?” Susme, e, parang nanakot pa ang dating. Sabi nga ng Showtime duo, “Kung may tanong kayo, basahin n’yo na lang ang lyrics, walang basagan ng trip.” Oo nga naman.
Anyway, ilan lang ito sa nakatuwaan naming panoorin at pakinggan sa 15 music video na maglalaban-laban sa Himig Handog P-Pop Love Songs 2014 sa Setyembre 28, 7:30 PM, sa Smart Araneta Coliseum.