Nasa kamay na ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang desisyon sa pananatili ni Zenaida Ducut bilang chairperson ng Energy Regulatory Commission (ERC), sa kabila ng mga alegasyon na dapat panagutin ang huli sa serye ng pagtaas ng singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) na wala umanong sapat na basehan.

Ito ay matapos irekomenda umano ng isang legal team ng Palasyo ang pagpapawalang-sala kay Ducut sa kasong gross neglect of duty sa umano’y hindi patas na pagtaas ng singil sa kuryente.

Subalit inaasahang rerepasuhin pa ni Pangulong Aquino ang rekomendasyon ng mga abogado ng Palasyo bago magdesisyon ang Punong Ehekutibo kung dapat o hindi na manatili sa ERC si Ducut.

Una nang ipinag-utos ng Malacañang ang paghahain ng dalawang reklamong administratibo laban kay Ducut matapos nitong aprubahan ang taas-singil sa kuryente na walang due process.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ang unang reklamo laban kay Ducut ay inihain ng dalawang mambabatas mula sa Akbayan Partylist na nanawagan din sa pagsibak sa opisyal dahil sa “gross neglect of duty and incompetence.”

Ang pangalawang reklamo ay inihain ng iba’t ibang consumer group, kabilang ang mga homeowners’ association, noong Pebrero na nanawagan din sa pagsibak kay Ducut dahil hindi ito nagsagawa ng public consultation bago inaprubahan ang power rate increase.

Una nang iginiit ni Aquino na nananatiling inosente si Ducut hanggang hindi napapatunayan nagkasala ito.

Si Ducut ay nagsilbing kongresista ng Pampanga bago itinalaga sa ERC noong 2008 ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. - Genalyn D. Kabiling