LOS ANGELES (AP) – Inihayag ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na maaaring na-hack ang online accounts ng ilang celebrities, kasama na ang sa Oscar-winner na si Jennifer Lawrence, dahilan para kumalat sa Internet ang mga hubad na larawan ng mga ito.

Hindi nabanggit ng ahensiya kung ano ang mga hakbanging ginagawa nito para matukoy ang nasa likod ng pagpapaskil ng mga larawan ni Jennifer at ng iba pang celebrities. Inihayag naman noong Lunes ng Apple na posible rin na na-hack ang kanilang online photo-sharing service kaya nagkaroon ng access ang hackers sa mga personal na larawan.

Linggo nang nagsimulang kumalat ang mga larawan ni Jennifer, three-time nominee sa Oscar na nagwagi sa pagganap niya sa Silver Linings Playbook, at agad siyang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad.

Marami pang mga hubad na larawan ng mga aktres ang kumakalat ngunit hindi makumpirma kung sila nga ba ang nasa larawan o edited lamang. Hindi pa rin matukoy kung saan nanggaling ang mga ito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ng FBI na sila ay “aware of the allegations concerning computer intrusions and the unlawful release of material involving high profile individuals, and is addressing the matter.”

Ayon sa tagapagsalita ng Apple, Inc. na si Natalie Kerris, nag-iimbestiga na ang kanilang kumpanya kung may iCloud accounts bang kinopya ang mga hacker, at hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye. “We take user privacy very seriously and are actively investigating this report,” aniya.

Kinumpirma rin ng aktres na si Mary Elizabeth Winstead na may mga hubad na larawan din siyang kumakalat sa Internet.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Winstead, “To those of you looking at photos I took with my husband years ago in the privacy of our home, hope you feel great about yourselves.”

Sinabi ng gumanap sa Final Destination 3 at Abraham Lincoln: Vampire Hunter na sa pagkakaalam niya ay matagal nang nabura ang mga nasabing larawan kaya nagtataka siya kung paanong nakuha pa ito ng hacker.

Matatandaang napanagot ng FBI ang mga nagkalat noon ng nude pictures nina Scarlett Johansson, Mila Kunis, Christina Aguilera at ng video ng television sports reporter na si Erin Andrews habang nasa isang hotel room sa Tennessee.

Hindi pa rin matukoy ng mga awtoridad kung gaanong karami na ang naipapakalat na litrato ngunit ang iba sa mga ito ay napatunayang peke.

Hinala ng ilang cyber security experts, maaari raw na napasok ng mga hacker ang isang mahinang online image-storing platform kaya nakuha nito ang mga larawan na ikinakalat ngayon.

“It is important for celebrities and the general public to remember that images and data no longer just reside on the device that captured it,” paalala ng security researcher na si Ken Westin sa kanyang blog post nung Lunes. “Once images and other data are uploaded to the Cloud, it becomes much more difficult to control who has access to it, even if we think it is private.”

Pangunahing target ng mga hacker ang mga pribadong impormasyon at imahe ng mga artista. Noong nakaraang taon lang, isang site ang nag-post ng credit reports, Social Security numbers at iba pang financial information ni Jay Z at ng asawa nitong si Beyoncé, nina Mel Gibson, Ashton Kutcher at marami pang iba.