ISULAN, Sultan Kudarat – Ilang farm-to-market road ang nasira umano dahil sa madalas na pag-ulan sa mga bayan ng President Quirino, Lambayong at sa ilang bahagi ng Esperanza at Isulan, batay sa ipinarating na hinaing ng sektor ng pagsasaka at ilang residente sa nabanggit na mga lugar.
Bagamat maalwang nakapagtanim ng palay ang mga magsasaka na umaasa lang sa ulan, nangangamba naman sila sa pagkasira ng mga kalsada patungo sa kani-kanilang bukirin; sinabing kung hindi masosolusyunan agad ay lalala ang problema.
Umalma naman ang mga residente sa mga barangay ng San Antonio at San Rafael sa Tacurong City sa anila’y wala sa timing na pag-grader sa daanan patungo sa national highway dahil ang ilang bahagi ng kalsada, ayon sa kanila, ay nabarahan ng tubig at putik.
Nangako naman si Engr. Edgay Maa-ya, provincial engineer ng Sultan Kudarat, na magsasagawa ng ebalwasyon at mag-iinspeksiyon ang kanyang tanggapan kaugnay ng nasabing mga reklamo. - Leo P. Diaz