Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. UP vs Ateneo
4 p.m. Adamson vs FEU
Mapasakamay ang unang Final Four slot ang target ng kasalukuyang lider na Far Eastern University (FEU) sa kanilang pagsagupa sa winless na Adamson University (AdU) sa pagpapatuloy ng UAAP Season 77 basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ganap na alas-4:00 ng hapon muling magtitipan ang Tamaraws at Falcons matapos ang unang salpukan sa pagitan ng University of the Philippines (UP) at kapitbahay nito na Ateneo de Manila University (ADMU) sa ganap na alas-2:00 ng hapon.
Bagamat wala ang kanilang head coach na si Nash Racela na kasalukuyang tinututukan ang Gilas Pilipinas bilang isa sa assistant coach sa FIBA World Cup sa Spain kasama si national team coach Chot Reyes, nangako ang Tamaraws na sisikapin nilang masungkit ang target na semifinals berth sa muling pagsabak nila sa Falcons.
Isasakatuparan ng FEU na maulit ang naitalang 71-62 panalo laban sa Adamson sa unang round habang isa namang milagro ang inaabangan sa Falcons upang wakasan ang 11-game losing skid at makapasok sa win column sa pamamagitan ng isang upset win.
“Ok naman kami kahit wala si coach. Hindi naman napuputol ang communication namin sa kanya at ginagawa lang namin at ipinagpapatuloy kung ano iyong iniwan niya,” pahayag ni assistant coach Erick Gonzales na pansamantalang gumagabay sa FEU.
Gaya ng dati, muling sasandigan ng Tamaraws para makamit ang kanilang misyon sina Mike Tolomia, Mark Belo, Roger Pogoy, Anthony Hargrove, Carl Cruz, Russel Escoto at Axie Iñigo.
Para naman sa tropa ni coach Kenneth Duremdes, bagamat wala pang naipapanalo matapos ang 11 laro, hindi pa rin sila susuko at muli pa ring makikipagsapalaran na makamit ang napakailap na unang tagumpay sa pangunguna ng mga beteranong sina Jansen Rios at Don Trollano, kasama ang mga baguhang sina Ivan Villanueva, Hynric Ochea Joseph Nalos at Matthew Aquino.
Una rito, tangka namang makakalas, sa kasalukuyang pagkakabuhol nila ng arhcrival at defending champion La Salle sa ikalawang puwesto, ang Ateneo kung saan ay kapwa nila taglay ang barahang 8-3 sa pagsalang nila laban sa UP na target namang madagdagan ang kanilang nag-iisang panalo.