Ni ALYSSA JANE AVELLANOSA, trainee
MAKALIPAS ang mahigit isang dekada ng paghihiwalay, muling bubuhayin ng bandang Eraserheads ang kanilang musika sa pagre-release nila ng dalawang bagong awitin ngayong Setyembre.
Sa pamamagitan ng eksklusibong CD na nakapaloob sa Esquire magazine, muling mapapakinggan ng EHeads fans ang musika ng banda sa mga bago nilang awitin na Sabado at 1995.
Tampok sa cover photo ng September issue ng travel magazine sina Ely Buendia, Raymund Marasigan, Buddy Zabala at Marcus Adoro, na kuha sa Abbey Road — na sumikat dahil sa bandang The Beatles — sa London nang mag-tour doon ang grupo.
Sa kainitan ng kasikatan ng Eraserheads noong 1990s, tinagurian silang The Beatles ng Pilipinas.
Taong 2002 nang nag-disband ang banda makaraang iwan ito ng front man na si Ely. Makalipas ang ilang taon, nagkaroon ng kani-kanilang grupo ang EHeads members. Si Ely ay naging bokalista ng bandang Pupil, gayundin si Raymund sa Sandwich, si Buddy ay naging gitarista ng The Dawn, habang bumuo naman si Marcus ng sariling grupo na tinawag niyang Markus Highway.
Taong 2008 nang nagkaroon ng reunion concert ang Eraserheads para sa kanilang fans ngunit matapos ang unang sampung kanta ay inatake ng sakit si Ely at itinigil ang pagtatanghal.
May eksklusibong panayam sa banda habang sinusundan ang buong biyahe ng mga ito sa London noong unang bahagi ng taong ito, ang September issue ng Esquire ay may digital at print media editions.