Ordinaryo ang ipinatayong Makati City Hall Building 2 na ginastusan umano ng P2.5 bilyon ng pamahalaang siyudad, ayon sa inisyal na assessment ni Senator Antonio Trillanes IV sa ikinasang ocular inspection sa gusali kahapon.

Pasado 9:00 ng umaga nang dumating si Trillanes sa city hall upang personal na tingnan ang bawat palapag sa naturang gusali.

Kasama ni Trilanes si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, pinuno ng Senate Blue Ribbon sub-committee na nag-iimbestiga sa alegasyong “overpriced” ang konstruksiyon ng gusali na ipinatayo noong 2007.

Sinabi ni Trillanes na ordinaryong car park lamang ang gusali at hindi ito maituturing na “world class” tulad ng iginiit ni Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay dahil wala itong mga sensor gaya ng car park sa mall wala ring extra-ordinary construction materials ang ginamit umano sa pagpapatayo ng gusali.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ilang bitak sa dingding ang nakita nina Trillanes at Pimentel sa ika-10 palapag maging sa rampa ng ikaapat na palapag ng kontrobersiyal na gusali.

Ang mga napansin ng dalawang senador sa kanilang inspeksiyon ay gagamitin naman sa kanilang pagtatanong sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado sa Huwebes.

Tiwala si Trillanes na overpriced ang Makati City Hall Building 2 na ipinatayo noong alkalde pa ng lungsod at ngayo’y Vice President Jejomar Binay.

Mistulang political rally naman sa dami ng taga-suporta ng pamilya Binay na maagang nagtipun-tipon sa harap ng city hall upang suportahan ang mga ito sa kinakaharap na mga alegasyon bago pa man simulan ng 9:30 ang ocular inspection sa pangunguna ni Trillanes.

Nabatid na ang mga residente ay galing sa Barangay Olympia, Poblacion at Carmona na may kanya-kanyang bitbit na placard na nagpapakita ng simpatya at suporta sa pamilya Binay.