Ipadadala bilang representante ng Pilipinas ang tatanghaling kampeon sa Philippine Super Liga-Grand Prix 2nd Conference sa susunod na buwan sa prestihiyosong Asian Men at Women’s Club Volleyball Championships.
Ito ang sinabi ni PSL at SportsCore President Ramon “Tatz” Suzara na aniya’y isang karagdagang insentibo ito para sa magkakampeon kung saan ang prestihiyosong torneo ay inorganisa ng Asian Volleyball Confederation (AVC).
“Our league is a competition for clubs kaya kung sino ang magiging champion ay ipadadala natin bilang incentives sa Asian Men at Women’s Club Volleyball Championships,” sinabi ni Suzara.
Matatandaan na huling sumali ang Pilipinas sa Asian Men’s Club Volleyball Championships na iprinisinta ng PLDT TVolution na nagawang tumapos sa ikapitong puwesto.
Lumahok din ang women’s team sa Asian Women’s Club Championships sa Nakhon Ratchisima, Thailand kung saan ay nakasama ng PLDT Home Fibr team ang Cuban superstar na si Regla Bell subalit tumapos lamang sa ikapitong puwesto.
Tangka ng Generika-Philippine Army na masungkit ang ikaapat na sunod na korona habang inaasahang magtatangka din ang RC Cola Raiders, AirAsia Flying Spikers, PLDT Home TVolution, Cagayan Valley Lady Rising Suns, Petron Blaze Spikers at Cignal HD Spikers na maagaw ang korona.
Asam ng PLDT Home TVolution-Air Force Power Attackers ang ikatlong sunod na korona habang pilit na aagaw ng pansin ang Cignal HD Spikers, Instituto Estetico Manila Phoenix Volley Master, Systema Active Smashers at ang Via Mare Voyagers.