Nabigo ang Philippine Canoe Kayak Federation (PCKF) Dragonboat Team na mapantayan ang naunang 6 gintong medalyang nahablot nila sa pagtatapos ng International Canoe Federation (ICF) Dragon Boat World Championships 2014 noong Linggo sa Poznan, Poland.
Nagkasya lamang ang koponan sa 3 tanso sa sa 2,000 metro ng 20-seater men, 10-seater men, 10-seater juniors at 10-seater mixed team.
Natatanging Asian at Southeast Asian country na inimbitahan sa world event na isinagawa noong Agosto 28-31, uuwi ang Philippine Dragonboat Team na bitbit ang 5 ginto, 3 pilak at 3 tanso.
Ang 28-atleta, kasama ang dalawang opisyal ng national paddlers, ay nagwagi ng ginto sa Junior Men’s 500 meter 10-seaters, Senior Men’s 200 meter 20-seaters, Junior Men’s 200 meter 10-seaters, Seniors Mixed 200 meter 10-seaters at Senior Men’s 200 meter 10 -seaters.
Nagkasya lamang sila sa pilak sa Senior Men’s 500 meter 20-seaters, Senior Mixed 500 meter 10-seaters at Senior Men’s 500 meter 10-seaters.
Nagmula ang tatlong tanso sa Senior Men 2,000 meter 20-seaters, Junior Men’s 2000 meter 10-seaters at Senior Men’s 2000 meter 10-seaters.
Nakatakdang dumating ngayon ang koponan sa ganap na alas-4:30 ng hapon na lulan ng Emirates Airlines sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Una nang naisakatuparan ng Pinoy paddlers, binubuo ng atleta mula Laguna at Taytay, Rizal, na walisin ang lahat ng nakatayang apat na ginto sa 200 meter distance noong Sabado na siyang pinakamaraming medalyang nagawa ng isang delegasyon sa loob ng isang araw.