Maturity, magandang samahan ng koponan at parang iisang pamilya.
Ito ang nakikitang susi nina finals MVP Jovelyn Gonzaga at maging ng kanilang team captain na si Tina Salak sa naging tagumpay ng Philippine Army sa katatapos na Shakey’s V-League Season 11 Open Conference.
“Isa kaming buong pamilya. Kung mayroon mang problema ay hindi na namin ito pinalalaki at nagtutulungan kami sa pagsasa-ayos kahit gaano pa ito kaliit,” pahayag ni Gonzaga na sa ikalawang sunod na pagkakataon ay nahirang na finals MVP sa katatapos na conference matapos ang pagkakahirang sa kanila ni Rachel Ann Daquis, ang Conference MVP, bilang co-finals MVP sa nakaraang first conference nang pangunahan nila ang Far Eastern University (FEU) bilang guest players sa unang titulo.
“Mature na kasi iyong team. Pero sa totoo lang ‘di madaling mag-adjust dahil parehas kaming may work. Pero ang ginagawa namin ay nag-i-stay kaming lahat sa barracks, sama-sama, iisa ang kinakain, tinutulugan para maging solid kami at iyong disiplina na ginagawa namin doon nadadala namin sa labas,” pahayag naman ng Corporal na si Salak.
“At saka sa amin po kasi ay hindi mahalaga ang kahit na anong individial award, kasi ang priority talaga namin ay iyong mapag-champion ang team. Ang gusto lang namin makapag-contribute para sa championships,” dagdag naman ng tubong Guimaras na si Gonzaga na kasalukuyang may ranggong Private First Class sa Army.
Ayon kay Salak, kung siya lamang ang nasunod, gusto na sana niyang magretiro at ganap na iwan ang paglalaro at ituon na lamang ang kanyang panahon sa kanyang kasalukuyang trabaho bilang miyembro ng Special Services ng Army.
Ngunit, pinakiusapan umano siya ng kanilang coach na si Rico de Guzman na kung maaari ay maglaro pa para unti-unting makasanayan ng team ang kanyang pagkawala.
“Para magkaroon ng magandang transition,” ani Salak na tinutukoy ay ang paghahanda ng papalit sa kanya bilang main setter ng koponan.
Katunayan, kapwa isiniwalat ng dalawa na nagsimula nang sanayin ni Salak si Gonzaga para pumalit sa kanya.
“Talagang dream ko po na maging setter. Kaya tini-train nila ako para maging kapalit ni Ate Tina sakaling mag-retire na siya,” ani Gonzaga.
‘Simula noong PSL, siguro kung nakikita ninyo sa mga play namin, kapag nasa likod ako, si Jovelyn na iyong nagsi-set. Sinimulan na namin siyang i-train kasi bata pa naman siya at magaling,” pahayag naman ni Salak.
Matapos ang pag-angkin sa kanilang ikalawang V-league crown, nakatuon na ngayon ang pansin ng Lady Troopers sa kanilang kampanya sa AFP Olympics na pormal na magbubukas ngayon sa Villamor Air Base sa Pasay City kung saan sila ang reigning champion mula pa noong 2008 sa ilalim ni De Guzman.