Sinimulan na kahapon ng Department of Health (DOH) ang malawakang pagbabakuna sa mga bata laban sa tigdas at polio.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, layunin nilang mabakunahan laban sa tigdas at polio ang lahat ng batang nagkaka-edad 0 hanggang limang taong gulang.
Pinangunahan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang paglulunsad ng programa sa punong tanggapan ng DOH.
Inasistehan ni Health Secretary Enrique Ona ang Pangulo sa ceremonial distribution ng oral polio vaccines sa dalawang bata bilang hudyat ng pagsisimula ng programa.
Ang measles-rubella oral polio mass vaccination campaign ay inaasahang magtatagal ng isang buwan.
Layunin nitong masakop ang 95 porsiyento ng lahat ng lalawigan, siyudad, munisipalidad at barangay sa bansa.
Inilunsad ng DOH ang measles immunization campaign upang matugunan ang problema sa measles outbreak na nagsimula noong huling bahagi ng 2013.
Isinama naman sa programa ang pagbibigay ng oral polio vaccine upang mabawasan ang panganib nang pagkalat ng wild polio virus na mula sa polio endemic countries.
Target ng DOH na mabakunahan ng measles-rubella ang mga batang may edad 9 buwan hanggang 5 taon, na tinatayang aabot sa 11 milyon, habang bibigyan ng oral polio vaccine ang mga batang hanggang limang taon, na tinatayang aabot sa 13 milyon.
Maaaring dalhin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa health centers, barangay health stations, local churches, at iba pang designated vaccination posts ngayong Setyembre, 2014 para sa libreng bakuna.
Magsasagawa rin ng door-to-door checking at vaccination ang pamahalaan upang beripikahin kung may mga batang hindi napasama sa mass vaccination.
Gagamit ng finger-marking sa pamamagitan ng indelible ink para makumpirma kung ang isang bata ay nabakunahan na.
Batay sa ulat ng DOH National Epidemiology Center, mayroong 44,666 suspect measles cases sa buong bansa noong Enero 1 hanggang Hulyo 5, 2014. Sa naturang bilang, 16,214 (36%) ang nakumpirma at 91 sa confirmed measles cases ang namatay.
Karamihan sa confirmed cases ay mula sa National Capital Region (13,265 cases o 34%), Region IV-A o CaLaBaRZON (8,661 o 28%) at Region III o Central Luzon (5,985 o 16%).