May kaunting kahirapan na unawain kung bakit may ilang kongresista ang nagpupumilit na susugan ang Konstitusyon, na waring mapahintulutan si Pangulong Aquino upang tumakbo para sa kanyang pangalawang termino. Ngayong ipinahayag na ng Pangulo na hindi na siya interesadong magtangal sa tungkulin – sinabi pa nga niya na inaasam niyang dumating ang araw na makapananghalian siya sa pagtatapos ng kanyang termino kasama ang malalapit niyang kaibigan na may bitbit na bandila na nagpoproklama ng “Kalayaan” – para kanino ngayon ang paghahangad ng mga kongresista na amiyendahan ang Konstitusyon.
Walang duda na ang ilan sa mga iyon ay may pansariling interes. Nililimitahan ng Konstitusyon ang mga kongresista at mga lokal na opisyal sa tatlong termino, sa kabuuang siyam na taon sa posisyon, at pagkatapos niyon kailangang isuko nila ang puwesto para sa iba. Mas madalas nga na sa kamang-anak nila isinusuko ang kanilang puwesto, at tatakbo uli matapos ang isang palugit na termino. Alam na natin ang ganitong kalakaran ng mga political dynasty.
At pagkatapos, naroon ang hinala na ang panawagan para sa pagbabago sa kasalukuyang situwasyon sa pulitika ay may layuning pabagalin ang kampanya ni Vice President Jejomar C. Binay na nangunguna sa mga survey. Kung magbabago ang mga kondisyon bunga ng pagsusog ng Konstitusyon, na kaakibat ang mga pagbubunyag tulad ng isyu sa Makati parking building, maaaring mangkaroon ng pagkakataon ang iba pang kandidato sa 2016.
Ngunit hindi na interesado ang Pangulo, kaya wala nang pangangailangang igiit ang pag-amiyenda sa mga probisyong pulitikal sa Konstitusyon. Noong isang araw, sinabi ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. at ng iba pang leader ng Liberal Party na wala nang pangangailangan sa isang party caucus na talakayin ang panukalang political amendments. Nais pa rin niyang susugan ang mga probisyong pang-ekonomiya na pinaniniwalaan niyang pumipigil sa pagpasok ng foreign investments sa bansa. Determinado siyang limitahan ang anumang charter change sa mga probisyong pang-ekonomiya. Ngunit sino ang makapipigil sa paglutang ng iba pang isyu kapag binuksan ng Kongreso ang Konstitusyon upang susugan?
May nakapagsabi hindi perpektong instrumento ng Konstitusyon ng Pilipinas, na kailangan nitong muling suriin paminsan-minsan. Ngunit ito ay para lamang sa pinakamahahalagang dahilan – mahalaga para sa sambayanang Pilipino, at hindi para sa interes ng kahit na sinong pulitiko. Ang amiyendahan ito upang pahintulutan ang sinuman na palawigin ang kanyang pananatili sa puwesto ay tiyak na wala sa mga dahilang ito.